Ni Giovanni M. Malapit
Corona
‘Di makita totoong kalaban
Puso at damdamin kinakabahan
Kay raming kinapitan sa isang buwan
Huwag maliitin ang covid19
Gamot o vaccine, alanganin
Netflix, mga series panoorin
Manatili sa loob ng bahay
Hugasanh mabuti ang mga kamay
Alkohol sa tabi nakatambay
May nagmungkahi herd immunity
Isasakripisyo buhay ng marami
Sa halip magdasal na muli
Mga barangay, rasyon-rasyon
Para sa 4Ps amelioration
Mga middle class nagrarason
Sana ito ay mawakasan
Una sa bansang pinagmulan
Numero’y ‘wag nang pagtakpan
Sunod na problema, ekonomiya
Dagdag pa dito, sikolohiya
Susunod na kabanata nakakabahala
Pakinggan aming daing, o Bathala!
Aral mong bigay, aming nakuha
Pag-alaga sa mundong iisa
Araw ng Palengke
Alas siyeta y medya, ako’y naghanda
Papuntang palengke, ako’y masaya
Bibili muli ng mga karne at isda
Aking maskara pangalawang ulit na
Alkohol na dala magkakasya pa kaya
‘Wag kalimutang magdala ng pera
At ako’y naglakad na nga
Sa malungkot na kalsada
Mga sasakyan, maingat pumasada
Alas otso y medya, mahaba na ang pila
Kailangang tiisin, huwag mabahala
Matatamo rin lahat ng nilista
Una kong kukunin, gamot at bitamina
Bago makakuha, quarantine pass muna
Upang ang talatakdaan ay maberipika
Ayan na nga’t kinuha ang temperatura
Winisikan pa ng alkohol na mabisa
Bago pinapasok sa abalang groseriya
Lahat ng nakalista dapat makuha
Kabiguan ay hindi ipatalaga
‘Yan ang paalaala ng aking asawa
Tapos ang lahat, alas nuerbe y medya
Sa paradahan ng sasakyan, ako’y papunta na
Social distancing mariing inoobserba
Napakabigat ng aking mga dala
Pero ‘yan ang premyo ng isang ama
Mapasaya lamang ang buong pamilya
ECQ
Kami’y na-ECQ kalagitnaan ng Marso
Bawal lumabas, parusa ay sigurado
Pagbili ng panustos, lahat kontrolado
Makaraan ang sang-linggo
Nainip ang ilang tao
Maraming kuro-kuro, ipinagbabato
Sa social media karamihan nagbulalas
Kabagalan ng gobyerno inilalabas
Bilis-bilisan, daing na madalas
Ginagawa lahat, yan ang sagot
Kagawaran ng kalusugan, sila’y mananagot
Kataas-taasang opisina ay nayayamot
Maraming pasaway, yan ang obserbasyon
Ilan nama’y hanap ang rasyon
Samantalang ang iba’y nais lang ay atensyon
Ilang kababayan tuluyang naburyong
Minsan lumalabas dala ang bayong
Kadalasan, sa loob lang ng bubong
Netflix doon, Netflix dito
Crash Landing On You
Ang paboritong numero uno
Kay raming putahe, nagawa sa delata
Pinakapatok dito’y sardinas na pula
Bawal man ito sa aking gota
Ineksperimento pati itlog na pula
Nilagyan ng gatas na kondensada
Masagwa pala ang lasa sa bunganga
Merong pamilyang nag-imbento ng laro
Meron ding ibang ninais magtampo
Nagkabwisitan pati na kay bunso
Hay, ang ECQ nga naman
Minsan di na natin maintindihan
Epekto sa ugali at kaisipan
Sunod na laban, walang may alam
Umabot sa puntong tiyan kumakalam
Nagpakalat ng sakit, aking ipapakulam
Tungkol sa may-akda
Si Dr. Giovanni M. Malapit ay propesor ng Physics sa UP Baguio.