TAGO

Tago
(Tula para sa mga Desaparacido noong Batas Militar, September 23, 2015)
ni: Benjamin George Meamo III

Mahal, halika. Yakapin mo ako.
Painitin mo ang nanlalamig kong pagkatao
Isama mo ako sa pakikipaglaban
Ilayo mo ako rito.

Mahal, tawagin mo ako.
Isigaw sa mundo ang pangalan ko.
Hayaan mong bitawan ko ang tali at sumama sa’yo
O, sinta. Ilayo mo ako rito.

Mahal, itakas mo ako.
Kumapit ka sa paralisado kong katawan.
Isara mo ang iyong isipan at yakapin mo ako
O, mahal. Yakapin mo ako.

Mahal, halika. Yakapin mo ako.
Itahan ang iyong pag-ngawa
Ipikit ang iyong mga mata
Mahal, ilayo mo ako rito.

Mahal, halika. Yakapin mo ako.
Hanapin mo ang nanlalamig kong katawan.
Isara ang iyong puso, damhin ang bawat sugat
At, baklasin ang nakakapit na kadena.

O, mahal. Ilayo mo ako rito.
Sinigaw ko at ipinaglaban ang lahat.
Inalipusta, pinaralisa,
pinunit, winalang-hiya,
Iginapos, itinuwad,
inilibing, pinakawalan,
Inararo, sinilaban,
Pinugutan, pinarusahan.

Mahal, mahalin mo ako.
Yakapin ang nanlalamig kong pagkatao
Ikwento sa mundo ang karanasang ito.

O, mahal, tawagin mo ako.
Itayo ang ating prinsipyo
Ibangon ang sinakdalan
Ipaluwa ang kasakiman

O, mahal, samahan mo ako.
Tahanin ang mga luha
Ipagpatuloy ang ragasa
Pasiklabin ang pakikibaka
At, buksan ang kanilang mga mata

Mahal, halika. Yakapin mong muli ako.
Sindihan ang mga kandila,
ibalot ako ng kumot, at
Ipagpatuloy ang laban.

O, mahal. Ilayo mo na ako rito.